Makapag-iipon Ka sa Middle East Marami ang nagsasabi na kapag sa Middle East ka nagtrabaho, siguradong makag-iipon ka. Subalit maraming pag-aaral ang naisulat na nagsasaad na malaking bilang ng mga Pilipinong galing sa Gitnang Silangan ang patuloy na naghihikaos matapos ang ilang taong paghihirap sa mga bansang Arabo. Nakapagtataka marahil sa marami kung paano ito nangyayari gayong sinasabing totoong nakap-iipon naman ang mga Pilipinong nagtratrabaho sa Gitnang Silangan. Subukan nating ipaliwanag ang trahedyang ito sapagkat hindi biro ang lumayo sa iyong pamilya upang bigyan sila ng maayos na buhay pagkatapos naman pala ay sa paghihikaos pa rin mauuwi ang lahat. Malinaw na may mali dito. At ito ay maaari nating balikan sa kultura nating mga Pilipino. Nasanay tayo sa luho at kalayaan sa Pilipinas kaya kapag ang Pilipino ay nagpunta sa Middle East lalo na sa closed societies tulad ng Saudi Arabia, napipilitan itong mag-adjust sa bagong environment na matindi ang restrictions. Pigil na pigil ang Pilipino sa kanyang panggigigil. Ngunit sa iba nating kababayan, hindi mapipigilan ang pagiging resourceful at gagawa ito ng paraan upang ma-enjoy ang mga luho nito sa Pilipinas na bawal sa Middle East. Marami ang nakakalusot at mayroon din namang nabibigo. Pero sa mga ayaw sumugal sa ganitong peligro, ang nagiging outlet nila ay ang pamimili. Buhay turista sa Middle East. Ang iba naman ay may kontrol pa rin naman at bumibili lang ng talagang magagamit niya sa pananatili sa Middle East o ng kakailangan niya sa Pilipinas na mas mura kung dito niya bibilhin. Pero, marami ring Pilipino ang talagang hataw sa pagwaldas dito ng pera na akala mo ay hindi na uuwi ng Pilipinas dahil binili na lahat ng puwede niyang bilhin. Ang totoo niyan, isa ito sa mga tanyag na pagkakakilanlan ng mga Pilipino sa Middle East. Sa kabila nito, marami pa rin namang Pilipino ang nakapag-uuwi ng malaking ipon sa Pilipinas. Katunayan, kung tutuusin ang bilang ng mga umuuwi sa Pilipinas na galing ng Middle East na namimili sa Duty Free, masasabi nating hindi bababa sa kalahating bahagdan. Ito ay patunay na marami sa kanila ang nakapag-ipon nang umuwi ng Pilipinas. Bakit sa bandang huli ay sa paghihikaos pa rin humahantong ang mga kababayan nating ito? Ang kasagutan ay makikita na naman natin sa ating kultura. Ang madalas na paliwanag ay ang pakikinabang sa pinaghirapang hindi naman na-enjoy sa Middle East kaya pag-uwi ng Pilipinas ay bumawi ng husto. Ang iba ay naging matalino sa paggasta ng inipon. May bumili ng sariling bahay at lupa. May nagpagawa ng bahay. May nagpasimula ng negosyo. Ngunit mukhang mas malaking bilang ang umabuso sa pagbabalik ng layaw. Namili ng kung anu-ano. Nagpainom ng walang habas. Namigay ng pera sa kamag-anak na akala mo'y namamalato. Malungkot pero pinakamalaking bahagdan yata ang bumubuo nitong huling grupo. Matapos msghirap ng, at least, dalawang taon sa Middle East, umikot lang muli ang kanilang mga palad at ngayon ay balik na naman sa dating hikaos na pamumuhay. Vicious cycle sapagkat kapag kinausap mo ang mga kababayan nating ito, sasabihin nilang babalik na lang sila ng Middle East at susubukang muling makipagsapalaran doon. At muli na namang mauulit ang kanilang karanasan. Katunayan, sa mga PDOS na isinasagawa ng pamahalaan, mukhang laging mas malaking bahagi ng mga dumadalo ang pabalik na ng Middle East. Kapag tinanong mo kung bakit kailangan pa nilang bumalik, madalas sasabihin sa iyong minalas sila at muling makikipagsapalaran. Kapag tinanong mo kung may naipundar ba naman sila, pailing lamang itong sasagot sa iyo ng ngiti. Sana matuto tayo sa kuwento ng ating mga kababayang nauna na sa Middle East. Totoo, makapag-iipon ka sa Middle East. Pero hindi sa pag-iipon matatapos ang lahat. Ang pinakamahalaga ay kung paano mo gugugulin ang inipon mong ito sa pagbabalik mo ng Pilipinas. Sana, kung nakapagtiis ka sa Middle East, pagtiisan mo ring palaguin ang naipon mo para hindi mo na kailanganin pang muling magpa-alipin sa Gitnang Silangan. |
Libreng tirahan, may food allowance, may transportation allowance, walang bayaring bills at higit sa lahat walang tax sa suweldo. Paanong hindi ka makapag-iipon? |
Copyright © 2000, 2001. Manila, Philippines. This website has been designed in response to the social vacuum created by the tolerance of an unabashed and cheap exportation of Filipino brain and brawn power particularly to the Middle East. While everybody is welcome to enjoy the website, the author reserves the right to every element of the website. It is expected that people who would like to use any part thereof will seek appropriate permission from the author. Unless otherwise stated, materials appearing herein are originally developed by MEPinoy. |